Monday, November 17, 2008

Sa iyong paglisan..

Alas dose ng hatinggabi nang magising ako sa aking kinahihigaan..
Maalinsangan ang madilim kong silid..
'Di ko maaninag ang mga bagay sa aking paligid..
Nanatili akong nakatitig sa bintanang nakabukas at may nakasilip na munting liwanag mula buwan..
Nakakabingi ang katahimikang bumabalot sa paligid..
Tanging huni lamang ng mga kuliglig ang nagbibigay boses sa tahimik na gabi..
Hindi ko mawari ang aking nararamdaman.. Tila may kulang..
Oo may kulang.. Kulang na minimithi ko pa ring mapunan..
Sino ba ang gustong mabuhay ng walang ama?
Ang mabuhay na hindi kompleto ang pamilya?
Siguro meron. . . 'yong mga taong kinamumuhian ang kanilang mga magulang..
Kinamumuhian ang mga magulang na nagpakahirap para lamang sila'y mapalaki nang maayos..
Samantalang ako heto, hinihintay ang pagdating ng aking amang hindi ko alam kung babalik pa. Ang aking amang matagal ng nawala.. Amang hindi ko na nasilayan ng mahigit limang taon.
'Ni hindi ko nakausap kahit sa pabulong na paraan..
Naranasan mo na bang mawalan ng ama?tatay?papa?daddy?
Napakahirap isipin.. Na sa isang iglap bigla siyang nawala at malalaman mo na lang na kahit kailan ay hindi na babalik pa,,
Na kahit kailan ay hindi ka na magkakaroon ng ama sa katauhan niya.
Ang paglandas ng mainit na likido sa aking pisngi ang nagpabalik ng aking isipan sa katotohanan.
Ang katotohanang kahit kelan ay hindi na babalik si itay..
Muli kong ginunita ang aming pinagsamahang magpamilya.. Ang saya! Walang problema..
Hinahabol ako ni Itay at tinatakot ng laruang gagamba. Nang bigla akong madapa at agad nya akong nilapitan.. Niyakap at pinatahan sa pag-iyak saka pinagpagan ang tuhod kong nagalusan.
Napakabait ni Itay..
Sa t'wing may kailangan ako agad niyang binibigay..
"Bili mo ko nyan pa.. Bili mo rin ako nito."
Agad niyang binibili ang gusto ko..
Pero ngayon, wala na.. Wala na ang lahat ng pangarap kong ipakita kai Itay ang aking mga napagtagumpayan, ang aking mga hangarin na dapat sana'y kanyang masilayan..
Anong pilit ko mang isipin na siya'y andyan lang, iba pa rin ang reyalidad.
Kelangan ko nang tanggapin ang katotohanan na hinding-hindi na sya babalik pa.. Ipinagdarasal ko na lang sa Diyos na sana kahit nasaan man siya ay Hindi nya kami makalimutan ni Inay..
"Mahal na mahal kita, Pa!"

No comments: